Nilinaw ng isang law professor na hindi awtomatikong labag sa Konstitusyon ang pagkakaroon ng unprogrammed appropriations sa pambansang budget, kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang 2024 at 2025 national budget, gayundin ng ilang probisyon ng 2026 national budget.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, ipinaliwanag nito na hindi unconstitutional per se ang unprogrammed funds, hangga’t hindi ito lumalabag sa mga itinakdang limitasyon ng Konstitusyon at iba pang umiiral na batas, kabilang ang pagbabawal sa mga ipinagbabawal na lump-sum appropriations.
Kabilang sa mga kinuwestiyon sa Korte Suprema ang pagdaragdag ng daan-daang bilyong piso sa unprogrammed appropriations ng 2024 national budget sa isinagawang Bicameral Conference Committee ng Senado at Kamara de Representantes.
Samantala, nilinaw ni Arreola na hindi nangangahulugang ilegal na ang lahat ng pondong naipamahagi at nagastos dahil lamang sa pagdedeklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng pambansang budget.
Aniya, maaaring kilalanin ang bisa ng mga naganap nang transaksiyon sa ilalim ng mga probisyong idineklarang unconstitutional sa pamamagitan ng operative fact doctrine, lalo na kung isinagawa ang mga ito nang tama.
Gayunman, hindi nangangahulugan na awtomatikong ligtas na sa pananagutan ang mga sangkot sa pagbuo at pagpapatupad ng mga kinuwestiyong pondo. Maaari pa rin silang managot kung mapatutunayang may paglabag sa batas.











