Nilinaw ng US Embassy sa Pilipinas na bahagi lamang ng routine planning efforts ang pagpunta ng mga tauhan ng United States military at Armed Forces of the Philippines sa pasilidad ng Sanjia Steel Corporation sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Ayon sa embahada, nagtungo ang grupo sa steel facility sa koordinasyon ng PHIVIDEC Industrial Authority upang suriin kung maaaring gamitin ang lugar para sa 2027 Balikatan military exercises.
Binigyang-diin ng US Embassy ang patuloy na matibay na alyansa ng Estados Unidos at Pilipinas.
Itinanggi rin ng embahada na nagkaroon ng sapilitang pagpasok sa pasilidad. Matapos ipaalam sa grupo ang mga requirement para makapasok, lumipat na lamang umano ito sa iba pang mga lugar na kasama sa kanilang nakatakdang pagbisita.
Samantala, noong Mayo 15, 69 Chinese nationals at isang Filipino ang naaresto sa isinagawang raid sa naturang steel facility.
Pinangunahan ng AFP, Presidential Anti-Organized Crime Commission, National Bureau of Investigation at Philippine National Police ang operasyon sa bisa ng search warrant mula sa korte.
Iniimbestigahan ang mga umano’y paglabag sa immigration, labor at public safety regulations, habang iniulat din ng mga awtoridad ang pagkakatuklas ng posibleng hazardous at radioactive materials sa pasilidad.











