--Ads--

Nakararanas ng malawakang pagkaantala at pagkansela ng mga flight ang Iran kasunod ng mga bagong sanksyon ng Estados Unidos laban sa mga airline nito, na nagpapahirap sa paglalakbay papasok at palabas ng bansa.

Sa ilalim ng kampanyang “Operation Economic Outcast,” pinatawan ng US ng sanksyon ang 27 airline at binalaan ang mga dayuhang paliparan na nagbibigay ng serbisyo sa mga eroplanong Iranian.

Dahil sa mga paghihigpit, ang ilang biyaheng dating tumatagal lamang ng tatlong oras ay umaabot na umano sa 18 oras. Tumaas din sa mahigit $1,000 ang halaga ng ilang tiket sa eroplano.

Iniulat din ang tinatayang 20 porsiyentong pagbaba sa mga international flight mula sa Iran, na nagdudulot ng pagkalugi sa mga airline at travel agency.

--Ads--

Patuloy na naghahanap ng paraan ang pamahalaan ng Iran upang matugunan ang epekto ng mga sanksyon, ngunit nananatiling limitado ang mga direktang ruta at nagpapatuloy ang mga kanselasyon ng biyahe.

Inaasahang patuloy na mararamdaman ng mga pasahero ang epekto sa haba ng biyahe, gastos sa pamasahe at kakayahang makakuha ng direktang flight habang umiiral ang mga paghihigpit.