Sa isang luxury casino resort sa Parañaque City umano ang napiling tutuluyan ni United States President Donald Trump sa kaniyang pagbisita sa Pilipinas sa Nobyembre 16 hanggang 17.
Nagsagawa muna ng inspeksiyon ang mga opisyal ng US sa ilang high-end hotel sa Metro Manila bago umano piliin ang naturang resort.
Inaasahang dadalo si Trump sa 49th ASEAN Summit at makikipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Nobyembre 17 upang talakayin ang ugnayang bilateral, seguridad, kalakalan at kooperasyong pang-ekonomiya.
Pagkatapos ng pagbisita, inaasahang tutungo si Trump sa Shenzhen, China, bago ang APEC Economic Leaders’ Meeting sa Nobyembre 18 at 19.
Matatandaang idineklara ng Malacañang ang Nobyembre 16 hanggang 18 bilang special non-working days sa Metro Manila bilang paghahanda sa mga pulong ng ASEAN at upang maibsan ang inaasahang pagsisikip ng trapiko.











