Hinamon ng Malacañang si VP Sara Duterte na unahin munang sagutin ang sarili nitong mga kinahaharap na isyu bago magparatang laban kay Pres. Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang naging reaksiyon ng Palasyo matapos akusahan ng bise presidente ang pangulo ng umano’y impeachable offense, kabilang ang paglagda sa national budget na aniya’y naglalaman ng “blank pages” at mga insertion.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mas makabubuting pagtuunan muna ng pansin ng bise presidente ang mga reklamong isinampa laban dito sa halip na makisangkot sa usapin ng iba.
Kaugnay naman ng pahayag na maaari ring ituring na impeachable offense ang pagtanggi ng isang opisyal kapag kinukuwestiyon ang kaniyang kakayahan o may alegasyon ng paggamit ng ilegal na droga, sinabi ni Castro na marapat lamang umanong itanong ito ng bise presidente sa sarili nito at maging sa kaniyang ama na si Rodrigo Duterte.
Sa ngayon, may mga nakabinbing impeachment complaints laban kay Vice President Duterte sa House of Representatives of the Philippines.











