--Ads--

Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes na hindi inaresto sa Czech Republic ang puganteng si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, taliwas sa naunang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagsabing nadetine ito sa abroad dahil sa mga kasong kinahaharap niya sa Pilipinas.

Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, nagkaroon ng maling paglalarawan sa sitwasyon ni Co. Ipinaliwanag niya na ang mga awtoridad sa Czech Republic ay nagbigay lamang ng abiso sa pamahalaan ng Pilipinas matapos matagpuan ang dating kongresista.

“Hindi siya inaresto. Nang matagpuan si Zaldy Co sa Czech Republic, ipinaalam lamang ng kanilang gobyerno sa Pilipinas,” ani Martinez. Dagdag pa niya, walang hurisdiksiyon ang Czech Republic sa mga kasong nakabinbin laban kay Co sa Pilipinas.

“Walang bisa ang pag-aresto kay Zaldy Co sa Czech Republic dahil wala siyang outstanding warrant doon. Ang kaso ay nasa Pilipinas, kaya magkaibang hurisdiksiyon ito,” paliwanag ng opisyal.

--Ads--

Si Co ay may standing warrant of arrest mula sa Sandiganbayan kaugnay ng kasong graft at malversation of public funds dahil sa umano’y P289.5-milyong “ghost” road dike project sa Oriental Mindoro.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na inaresto si Co sa Czech Republic matapos umano nitong tangkaing pumasok sa Germany nang walang tamang travel documents. Dagdag pa ng Pangulo, magpapadala ng high-level Philippine team sa Prague upang makipag-ugnayan para sa posibleng repatriation ni Co.