--Ads--

Tumaas ng ₱85 ang arawang minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila matapos aprubahan ang panibagong wage hike para sa National Capital Region (NCR).

Inanunsyo ni Labor Secretary Francis Tolentino nitong Martes ang pagtaas ng sahod, na aniya’y isang makasaysayang hakbang para sa mga manggagawa. Dahil dito, aabot na sa ₱780 kada araw ang minimum wage ng mga empleyado sa non-agriculture sector sa NCR.

Ang bagong dagdag-sahod ay kasunod ng ₱50 wage increase na ipinatupad noong Hulyo 2025 at bunga ng mga petisyon at panawagan ng iba’t ibang labor groups na humihiling ng mas mataas na sahod upang matugunan ang epekto ng inflation at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), tinatayang nasa 1.1 milyong minimum wage earners sa Metro Manila ang makikinabang sa wage adjustment. Gayunman, hindi pa inaanunsyo ng ahensya kung kailan ito opisyal na magkakabisa.

--Ads--

Bagama’t ikinatuwa ng mga labor organization, kabilang ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ang pag-apruba sa dagdag-sahod, iginiit nilang hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang tinatayang family living wage.

Patuloy ding isinusulong ng mga grupo ng manggagawa ang pagrepaso sa kasalukuyang regional wage-setting system. Anila, kinakailangan ng isang pamilyang may limang miyembro ng humigit-kumulang ₱1,266 kada araw upang matustusan ang mga pangunahing pangangailangan.