Inaprubahan ng lokal na pamahalaan ng Santiago City ang kabuuang ₱37,000,784 na pondo para sa iba’t ibang proyektong imprastraktura at pasilidad sa edukasyon sa Barangay Rosario.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Judy Balberan, Punong Barangay ng Rosario, kabilang sa mga prayoridad na proyekto ang construction ng dalawang 2-storey classroom building sa Rosario Elementary School na may halagang ₱17,834,000, gayundin ang pagpapatuloy ng Multi-Purpose Building Phase 3 na nagkakahalaga ng ₱2,000,000.
Sa ilalim naman ng Environment Management program, isasagawa aniya ang construction ng drainage canal sa Rosario Elementary School na may pondong ₱950,000.
Kasama rin sa proyekto ang construction at improvement ng drainage sa Ipil-Ipil Street patungong outfall ng Galano River sa halagang ₱12,000,000, at ang drainage improvement sa Barrios Street na may badyet na ₱5,000,000.
Ayon sa opisyal, ang kabuuang pondo ay mula sa 20 percent development fund ng lungsod na layuning mapabuti ang edukasyon, imprastraktura, at sistema ng drainage sa Barangay Rosario.











