--Ads--

Iniimbestigahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang posibleng pag-usbong ng isang bagong grupo na binubuo ng mga Indian national at itinuturong nasa likod ng distribusyon ng cocaine at iba pang ilegal na droga sa bansa.

Ang imbestigasyon ay kasunod ng isang buy-bust operation na isinagawa madaling araw ng Sabado, Pebrero 21 na nagresulta sa pag-aresto ng dalawang Indian nationals sa loob ng isang bahay sa Villa de Calamba, Barangay La Mesa, Calamba City, Laguna.

“Yan ang ating tinitingnan ngayon, may emerging group ba ng Indian national?” ayon kay PDEA spokesperson Atty. Joseph Frederick Calulut.

Nakuha ng mga awtoridad ang 44 kilong hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P233.2 milyon mula sa mga suspek.

--Ads--

Ayon kay Calulut, mukhang hindi ginagamit ang bahay bilang tirahan at malamang ay ginagamit lamang itong imbakan ng mga ilegal na droga.

“Parang ang nangyari doon na lang iniimbak yung mga droga kung may bibili kukuha na lang sila doon,” ani Calulut.

Dagdag pa niya, nagsasagawa ang PDEA ng background investigation at tinitingnan din ang iba pang posibleng kasamahan ng mga suspek, na ayon sa tala ay mga lehitimong negosyante sa bansa.

Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o Republic Act 9165.