Tiniyak ni Senate President Alan Peter Cayetano na hindi magpapatumpik-tumpik ang Senado sa paghawak sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa oras na pormal nang maihatid ang Articles of Impeachment mula sa Kamara.
Sa gitna ng mga espekulasyon, sinabi ni Cayetano na kumonsulta na siya kay dating Senate President Vicente Sotto III upang masiguro ang tamang proseso.
Plano ni Cayetano na magpatawag ng majority caucus sa sandaling matanggap ang transmittal upang maging kolektibo ang desisyon ng kapulungan. Binigyang-diin niya ang urgensya ng kaso dahil ang anumang pagkaantala ay maaaring makaparalisa sa iba pang tungkulin ng Senado.
Samantala, muling naghalal ang Mababang Kapulungan ng 11 mambabatas na magsisilbing mga prosecutor. Anim sa mga ito ay “hold-overs” mula sa nakaraang impeachment attempt noong 2025, habang lima ang mga bagong mukha kabilang ang mga kilalang abogado kabilang sina Gerville Luistro, Joel Chua, Ysabel Maria Zamora, Keith Flores, Ramon Rodrigo Gutierrez, at Lorenz Defensor.
Habang ang mga Bagong kasapi ay sina Leila de Lima , Chel Diokno , Terry Ridon, Lordan Suan, at Kaka Bag-ao.
Ipinaliwanag ni House Secretary General Cheloy Garafil na hindi pa naipapadala ang mga dokumento sa Senado dahil sa dami ng kopya at attachments na kailangang i-reproduce. Ayon kay Garafil, umaabot sa libu-libong pahina ang mga ebidensya at kailangang matiyak na “faithful reproduction” ang bawat kopya.
Matatandaan na mariing itinanggi ng Bise Presidente ang lahat ng mga akusasyong ito. Matatandaang noong July 2025 ay na-impeach na rin si Duterte, ngunit ibinasura ito ng Supreme Court dahil sa paglabag sa “one-year ban” rule. Ngayong 2026, matapos ang 257 boto mula sa Kamara, muling bubuksan ang pintuan ng paglilitis sa Senado.











