Arestado ang isang hinihinalang drug personality sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Purok 5, Brgy. Alicaocao, Cauayan City, Isabela, nitong umaga ng Agosto 5.
Ang suspek ay itinago sa alyas na “Jaymar,” 31 taong gulang, may asawa, helper, at residente ng Brgy. District III, Cauayan City. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 12, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Isinagawa ang operasyon bandang 8:30 ng umaga sa pangunguna ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Cauayan City Police Station, katuwang ang Regional Maritime Unit 2 (RMU2), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Isabela, Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), at Regional Intelligence Unit 2–Provincial Intelligence Team Isabela, sa koordinasyon ng PDEA Regional Office 2.
Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na tinatayang 0.5 gramo at tinatayang Standard Drug Price na ₱3,400, bukod pa sa iba pang mga gamit na pinaniniwalaang may kaugnayan sa ilegal na droga.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay minarkahan, kinunan ng larawan, at isinailalim sa inventory sa mismong lugar ng operasyon sa harap ng suspek at mga kinatawan mula sa National Prosecution Service (NPS), media, at barangay alinsunod sa itinakdang proseso ng batas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Cauayan City Police Station ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaukulang kaso.










