Nakatanggap ng grant mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) ang National Food Authority (NFA) Isabela para sa pagtatayo ng mga rice dryer at rice mill sa Cauayan City na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱680 milyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Louise Marie Macarto, Assistant Branch Manager ng NFA Isabela, nilinaw niyang hindi ito investment kundi grant mula sa Japan.
Ayon kay Assistant Branch Manager Macarto, sinabi niyang napili ang Isabela bilang project site dahil sa pagiging rice granary ng Northern Luzon at sa malaking produksyon nito ng palay.
Kabilang sa mga itatayong pasilidad ang apat na rice dryer na may kapasidad na 30 tons bawat unit at isang rice mill na kayang magproseso ng 10 metric tons kada oras.
Aniya, target na matapos sa Mayo 2027 ang warehouse na paglalagyan ng mga kagamitan, habang nakatakda namang isagawa ang commissioning ng mga makina sa Disyembre 2027.
Kaugnay nito, nagsagawa ng site visit sa Cauayan City ang Satake delegation kasama ang mga opisyal ng NFA Region 02 upang inspeksiyunin ang lugar na pagtatayuan ng mga pasilidad.
Ayon kay Macarto, malaking tulong ang proyekto upang mapalawak ang drying capacity ng NFA at mapataas ang kakayahan nitong bumili ng sariwang palay mula sa mga lokal na magsasaka, na sa kasalukuyan ay limitado dahil sa kakulangan ng mga pasilidad sa pagpapatuyo.











