--Ads--

Umaabot sa ₱27 kada kilo ang buying price ng tuyo at malinis na palay ng National Food Authority (NFA) sa Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Rhic Fabian, Acting Assistant Manager ng NFA Isabela, sinabi nito na maaaring magbenta ang mga magsasaka sa pinakamalapit na NFA warehouse basta’t magdala lamang ng sample ng kanilang ani para sa pagsusuri.

Ayon kay Atty. Fabian, nagsimula ang procurement noong nakaraang linggo at kabilang sa mga lugar na tumatanggap na ng palay ang Tumauini, San Mateo, Alicia at iba pang bayan sa lalawigan.

Ipinaliwanag din nito na pabago-bago ang buying price depende sa apruba ng kanilang central office at sa umiiral na presyo sa merkado, kung saan layunin nilang mas mataas ito upang mas mahikayat ang mga magsasaka na sa NFA magbenta.

--Ads--

Samantala, target ng ahensya na makabili ng hanggang isang milyong sako ng palay ngayong taon, ngunit sa kasalukuyan ay nasa 200,000 sako pa lamang ang kayang tanggapin dahil sa limitadong espasyo sa mga bodega.

Tiniyak naman ng opisyal na may koordinasyon sila sa mga local government unit at municipal agriculturists upang masigurong lehitimong magsasaka ang mga nagbebenta at maiwasan ang pang-aabuso ng ilang traders.