Target ng National Food Authority (NFA) Isabela na makabili ng 1.46 milyong bags ng palay ngayong cropping season upang matiyak ang sapat na suplay ng bigas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Louise Marie Macarto, Assistant Branch Manager ng NFA Isabela, sinabi niyang nakapag-procure na ang ilang warehouse mula sa mga magsasaka sa Santiago City, Echague, Tumauini, Mallig at Alicia, habang may iba pang magsasaka na kasisimula pa lamang magtanim matapos ang drought.
Ayon kay Macarto, umabot na sa 2,300 bags ang nabili ng NFA sa lahat ng warehouses nito sa Isabela. Tiniyak niyang direkta itong binibili sa mga magsasaka at hindi sa traders.
Samantala, nasa hundred thousand bags pa lamang ang kasalukuyang available, ngunit inaasahang madaragdagan ito sa pagsisimula ng milling sa Oktubre na maaaring magdagdag ng 100,000 bags.
Ipinaliwanag din ni Macarto na kailangang magsumite ang mga magsasaka ng representative sample ng kanilang palay para sa quality checking bago ito tanggapin ng NFA.
Ayon sa NFA, competitive ang kanilang presyo sa kabila ng pabago-bagong presyo ng palay sa merkado, habang mayroon na rin silang procurement plan at sistema para matiyak ang transparency sa pagbili ng palay.











