CAUAYAN CITY – Tinatayang nasa 1.8 million pesos ang halaga ng Marijuana hashish ang nakuha sa pag-iingat ng High Value Target (HVT) na maglive-in partner sa isinagawang anti-illegal drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa San Fermin, Cauayan City.
Ang mga nadakip ay sina Teody Tumolva, 40 anyos at Mary Jane Manalo, 32 anyos, kapwa fish vendor at tobacco planters na residente ng Rang-ay, Cabatuan, Isabela.
Ang operasyon ay isinagawa ng Cauayan City Police Station, PDEA-Isabela at Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at nagbunga ng pagkadakip ng dalawa.
Nasa akto umanong nagbebenta sa pulis na nagpanggap na buyer si Tumolva ng dalawang sachet ng naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon na my timbang na 10 grams na tinatayang nagkakahalaga ng 1,200 pesos.
Bukod sa droga ay narekober din sa pag-iingat ni Tumolva ang 500 pesos na drug buy-bust money, isang 9mm revolver na may isang bala, 4 na bala ng 9mm; isang sling bag at isang kolong-kolong.
Nakumpiska rin umano ang pitong Marijuana hashish na nakabalot ng packaging tape na may timbang na 600 grams na may estimated marjet value na 1.8 million pesos gayundin ang isang plastic sachet na naglalaman din ng pinatuyong dahon ng Marijuana na nagkakahalaga ng 600 pesos.
Nakuha naman umano sa pag-iingat ng kinakasama ni Tumolba na si Manalo ang isang cellphone, wallet at pera na nagkakahalaga ng 4,835 pesos.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Teody Tumolba, mariin niyang itinanggi na sa kanya ang mga nasamsam na illegal na droga.
Ayon sa kanya, nakatanggap sila ng tawag mula sa kaibigan ng kanyang kinakasama na nagpapasundo sa kanilang kanto kayat nagtungo sila sa lugar upang sunduin ang tumawag.
Gayunman, nagulat umano ang maglive-in partner nang bigla silang kinuha at isinakay sa Isang puting van na sinasabi nitong sasakyan ng mga operatiba ng PDEA saka sila dinala sa Lunsod ng Cauayan kung saan nangyari ang sinasabing drug buy-bust operation.
Ayon kay Tumolba, tiwala siyang negatibo ang resulta ng kanyang drug test dahil hindi totoo na siya ay nagbebenta ng droga.
Iginiit niya na sa kabila ng dinaeanas na hirap sa buhay ay sinusuportahan niya ang pamilya sa pamamagitan ng paglalako ng isda at pagtatanim ng tabako at hindi pera na galing sa droga.
Nilinaw ni Tumolba na hindi pa siya nasangkot sa anumang uri ng kaso pangungunahin na ang may kaugnayan sa illegal na droga at hindi pa siya nakakagamit ng ipinagbabawal na gamot.












