
CAUAYAN CITY – Sumuko sa mga otoridad ang isang miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) matapos na matagpuan ang mga kagamitan ng CPP-NPA sa Isabela
Ang pinaigting na pagpapatupad ng EO #70 o Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) ng pinagsanib na puwersa ng 95th Infantry (Salaknib) Battalion, Philippine Army at Isabela Police Provincial Office (IPPO) ay nagbunga ng pagsuko ni Ka Lito sa Zone 1, San Mariano Isabela.
Sa impormasyon mula sa 5th Infantry Division, Philippine Army, kabilang sa mga nabawing kagamitan ng mga NPA ang 2 Commercial Handheld Radios (ICOM), 1 rolyo ng water hose, 1 rolyo ng kable ng kuryente, 13 laminated sacks, mga kagamitang panluto, mga lagayan ng tubig at 2 civilian NPA backpack na pag-aari ng mga naunang sumuko na sina Ka Leslie at Ka Jimboy na na-rescue ng tropa ng 95IB noong February 16, 2020.
Ang iba pang mga kagamitan na narecover ay pinaniniwalaang pag-aari ng mga miyembro ng Regional Sentro De Grabidad, Komiteng Rehiyong-Cagayan Valley (RSDG, KRCV) sa Barangay Nanaguan, City of Ilagan noong August 26, 2020.
Sa tulong ng 95th Infantry Battalion at ng IPPO ay nagbalik-loob sa pamahalaan si Ka Lito, dating kasapi ng RSDG, KR-CV.
Inihayag ni Ka Lito na siya ay nirecruit nina Ka Rod at Ka Shuli noong Marso 2020.
Ibinunyag din niya kung saan nakatago ang mga kagamitang naiwan ng kanyang mga kasamang NPA sa Rang-ayan, City of Ilagan matapos ang sagupaan sa pagitan ng 95IB at mga kasapi ng NPA noong February 16, 2020.
Sinabi niya na hindi siya nag-alinlangang sumuko sa pamahalaan dahil nakita niya ang pagkakaiba ng sitwasyon nang nawala ang presensiya ng mga NPA.
Samantala, pinuri ni MGen Laurence Mina, Commander ng 5th ID, PA ang pagsuko ni Ka Lito at hinikayat ang mga natitira pang mga kasapi ng NPA sa Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region (CAR) na magbalik-loob na rin sa pamahalaan.
Binigyang diin ni BGen Mina na ang tunay na kapayapaan at pag-unlad ay matatamasa sa pagtutulungan ng lahat, lalong-lalo na sa pakikiisa ng mga mamamayan.










