--Ads--

CAUAYAN CITY – Napatay ang isa sa dalawang suspek na umano’y nanlaban sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga pulis sa Alicia, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ardee Tion, hepe Alicia Police Station, sinabi niya na bago ang isinagawang drug buy-bust ay nagsagawa sila ng test buy noong ika-26 ng Oktubre 2020 katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga suspek na sina Joseph Cordova, residente ng Saranay, Cabatuan, Isabela at Patrick Carlo Gatan, Residente ng San Andres, Cabatuan, Isabela at nakabili sila ng droga sa kanila.

Sa kanilang huling transaksiyon sa kanila, matapos magkita ay isinakay umano ng mga suspek ang pulis na nagpanggap na poseur buyer at ang kanilang informant at pumarada sila sa harapan ng isang bangko at isinagawa ang transaksyon.

Pagkababa umano ng poseur/buyer at informant ay agad na umaksyon ang mga pulis upang dakpin ang dalawang suspek ngunit bigla umanong bumunot ng baril si Cordova at  pinaputukan ang aaresto sanang pulis.

--Ads--

Ayon kay PMaj. Tion, hindi nakapagpaputok ang suspek ngunit naitutok  nito ang baril sa mga pulis.

Tinamaan ng bala sa ulo si Cordova na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Ayon kay PMaj Tion, hindi nila alam na may dalang baril ang mga suspek.

Si Joseph Cordova ay dati na umanong nasamsaman ng droga sa Tinglayan, Kalinga.

Maliban sa naka-pack na Marijuana na nabili ng poseur/buyer ay nakuha rin sa kanila ang isa pang pack ng Marijuana at plastic container na naglalaman ng Marijuana seeds at baril.

Nakakulong sa Alicia Custodial Facility si Gatan at pinoproseso na ang mga dokumento ng namatay na si Cordova bago ipasakamay ang bangkay sa kanyang pamilya sa Cabatuan, Isabela.

Ang pahayag ni PMaj Ardee Tion.