CAUAYAN CITY – Patay ang isang tsuper habang sugatan ang kanyang dalawang kasama makaraang sumalpok ang kanilang sinakyang tricycle sa isang closed van sa Barangay Cabaruan Cauayan City.
Nakilala ang namatay na si Feliciano Tuqip Jr, 49 anyos, residente ng Dissimuray Cauayan City.
Habang nasugatan ang dalawang iba pa na sina Jonard Corpus, nasa tamang edad at Jerry Mendillo, 40 anyos at kapwa residente ng Villa Conception Cauayan City.
Sa imbestigasyon ng PNP Cauayan City, sumalpok ang sinakyang tricycle ng mga biktima sa closed van truck na minaneho ni Leodi Repollesa, 31, walang asawa at tubong Muños West Roxas, Isabela.
Sinasabing dead on the spot ang driver ng tricycle habang nasugatan ang dalawa niyang kasama sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Lumabas sa imbestigasyon na umagaw umano ng linya ang tricycle kaya bumangga ito sa kasalubong na sasakyan.
Nahaharap ang driver ng closed van sa kasong reckless imprudence resulting in homicide with serious physical injuries and damage to property.