CAUAYAN CITY – Isa ang patay, 3 ang nasugatan sa banggaan ng isang Izuzu tanker at isang Dalin Liner Bus dakong alas onse kagabi sa national highway sa Tayabo, San Jose City, Nueva Ecija.
Agad na namatay ang driver ng Izuzu tanker 10 wheeler na si Joaquin Ravinal habang ang tsuper ng bus na si Regino Agbayani ay nasugatan at patuloy na nilalapatan ng lunas sa Heart of Jesus Hospital sa San Jose City.
Nakalabas na sa ospital ang dalawa pang nasugatan sa aksidente na nagtamo ng minor injury.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni P/Supt. Reynaldo dela Cruz, hepe ng San Jose City Police Station na magkasalubong ang dalawang sasakyan at nagkaroon ng miscalculation ang tanker sa pazigzag na daan at bumangga sa Dalin Liner Bus.
Nagdulot ng mahigpit na daloy ng trapiko ang aksidente sa nasabing lugar ngunit agad na nakatugon ang mga kasapi ng San Jose City Police Station at City Engineering Office kaya naayos ang lagay ng trapiko.