Inihayag ni dating Senador Antonio Trillanes IV na sina Senador Bong Go at dating PNP Chief Oscar Albayalde ang posibleng sumunod na makatanggap ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Trillanes na sa mga tinukoy na kasabwat ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang dalawa ang malamang na huling targetin ng korte dahil sa kanilang mabigat na papel sa mga naganap na extrajudicial killings. Naniniwala siya na hindi na isasama pa ang iba pang pangalang nabanggit sa imbestigasyon.
Nilinaw din ni Trillanes na nakuha niya ang kopya ng naunang warrant laban kay Senador Bato dela Rosa dahil sa kanyang matagal na pakikipagtulungan sa ICC. Mula pa noong 2017, boluntaryo na siyang tumutulong sa pagtitipon ng mga testigo at ebidensya para mabuo ang kaso laban kina Duterte at Dela Rosa, kaya natural lamang na makakuha siya ng mga sensitibong impormasyon.
Binigyang-diin ng dating senador na legal ang kanyang ginagawa. Ipinaalala niya na miyembro pa ang Pilipinas sa ICC nang maganap ang mga naturang krimen, at ayon na rin sa Korte Suprema, may hurisdiksyon pa rin ang pandaigdigang korte sa mga kasong naganap sa panahong iyon.











