Plano ng House prosecution panel na iharap si Ramil Madriaga bilang isa sa kanilang 25 testigo sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. Si Madriaga ay nagpakilalang dating aide at “bagman” ng bise presidente.
Ayon kay Batangas Representative Gerville Luistro, ang lead prosecutor, tetestigo si Madriaga hinggil sa isyu ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP). Una nang ibinunyag ni Madriaga sa House Committee on Justice na naubos sa loob lamang ng isang araw ang P125 milyong pondo sa utos mismo ni Duterte.
Bukod sa kanya, isasama rin sa listahan ng mga testigo ang ilang opisyal ng bangko na may alam sa mga bank account ng bise presidente at ng asawa nito, partikular na sa mga kahina-hinalang transaksyon na tinukoy ng Anti-Money Laundering Council (AMLC). Sinabi ni Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon na hihilingin nila sa impeachment court na i-subpoena ang mga nasabing account dahil hawak na nila ang mga detalye at account numbers nito.
Inaasahan ding tatawagin bilang testigo si dating Senador Antonio Trillanes IV, pati na ang mga kinatawan mula sa AMLC, SEC, Ombudsman, at NBI. May mga ihaharap din silang hostile witnesses na kinabibilangan ng mga dating tauhan ng OVP at Department of Education.
Samantala, binigyang-diin ni Luistro ang kahalagahan ng proseso kaya’t hiniling niya ang personal na pagdalo ng mga senador na tatayong hukom sa buong pagdinig at botohan. Inaasahang magsisimula ang paglilitis sa darating na Hulyo 6.











