CAUAYAN CITY– Sampong barangay na mula sa iba’t ibang bayan sa Isabela ang nakatakdang aalisin na sa red zone category may kaugnayan sa kaso ng African Swine Fever.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA region 2 na humupa na ang African Swine Fever (ASF) na sakit ng mga baboy sa rehiyon dos matapos maitala ang huling kaso sa Raniag, Ramon, Isabela noong April 28, 2020 .
Inihayag pa ni Regional Executive Director Edillo na kapag umabot nang apat na buwan na walang maitalang baboy na natamaan ng ASF ay maaari na muling mag-alaga ng mga baboy sa mga lugar na isinailalim sa red zones.
Irerekomenda anya ng DA region 2 sa National Crisis Management Committee ang pag-alis na sa sampong barangay sa Isabela sa red zone category upang muling makapag-alaga ng baboy ang mga hog raisers sa mga nabanggit na lugar.
Sa ngayon anya ay sapat ang tustos ng mga baboy sa rehiyon bagamat mahal ang presyo ng karne ng baboy.











