CAUAYAN CITY – Nahulog ang isang 10 wheeler truck na puno ng alak sa isang bangin sa Magassi, Cabagan,Isabela.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCorporal Larry Agub, investigator ng Cabagan Police Station ang 10 wheeler truck ay minamaneho Alex Bungag, 24 anyos, sakay ang mga pahinanteng sina Joshua Bautista, 26 anyos, kapwa residente ng Santiago, Reina Mercedes, Isabela at Charlie Avon, 24 anyos , binata na residente ng Brgy. Tagaran, Cauayan City.
Ang mga mahigit isang libong karton ng alak ay dadalhin sana sa Tuguegarao City.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, mayroong iniwasang SUV ang tsuper ng 10 wheeler truck sanhi para mawalan ng kontrol at bumangga sa gutter ng daan at nagtuloy tuloy na nahulog sa bangin na tinatayang may apat na metrong lalim.
Aabot sa mahigit 1,000 karton ng alak ang laman ng truck at tinatayang nasa humigit kumulang 400 karton ang nabasag sanhi ng pagkakahulog ng sasakyan sa bangin.
Wala namang napaulat na nasaktan sa naturang aksidente.











