CAUAYAN CITY- Ikinatuwa ng pamunuan ng Isabela State University – Echague Campus ang 100% passing rate ng Unibersidad sa katatapos na Nursing Licensure Exam.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Rickmar Aquino, Presidente ng ISU System sinabi niya na nasa 52 ang bilang ng mga first time takers at lahat ng mga ito ay nakapasa sa pagsusulit.
Ito ay dahil naghihigpit sila sa admission policy dahil kaunti lamang ang capacity ng nursing students na kaya nilang I-cater kaya talagang nasasala ang mga estudyante.
Aniya, kadalasang nasa mahigit isang libo ang kabuuang bilang ng mga nagtatake ng entrance exam sa ISU Echague at ISU Ilagan ngunit nasa 150 lamang ang nakukuha dahil na rin sa screaning.
Mahigpit din aniya ang ginagawa nilang retention policy at nagsasagawa rin sila ng Campus Initiated Review bago sila pumunta sa mga formal Review center.
Plano naman nilang magtayo ng Hospital sa mismong loob ng ISU Echague Campus na popondohan ng National Government at dito na mag-iintern ang mga Nursing students maging ang mga nasa Medicine Courses.
Ito aniya ay isang cancer hospital kaya malaki ang maitutulong nito sa taumbayan dahil hindi na nila kinakailangan pang lumuwas ng maynila para lamang magpagaling.
Target simulan ang konstruksyon ng naturang hospital sa susunod na taon.