--Ads--

Umabot na sa 173,000 pamilya o tinatayang 724,000 katao ang naapektuhan ng malakas na magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan ng Sarangani noong Hunyo 8, ayon sa pinakahuling ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Hunyo 14.

Batay sa datos ng OCD, nakapagtala na ng mahigit 5,200 aftershocks mula nang maganap ang lindol. Sa bilang na ito, 1,307 ang naitala at 76 ang aktuwal na naramdaman ng mga residente sa mga apektadong lugar.

Umabot na sa 61 ang kumpirmadong nasawi dahil sa kalamidad. Sa bilang na ito, 54 ang mula sa Region 12 habang pito naman ang mula sa Region 11.

Nasa 1,403 naman ang bilang ng mga nasugatan, kabilang ang 1,356 mula sa Region 12, 46 mula sa Region 11 at isa mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

--Ads--

Patuloy ding pinaghahanap ng mga awtoridad ang 40 kataong naiulat na nawawala. Dalawampu’t dalawa sa mga ito ay mula sa Region 11 habang 18 naman ay mula sa Region 12.

Tinatayang 2,000 pamilya o halos 10,000 katao ang napilitang lumikas matapos masira o maging delikado ang kanilang mga tahanan. Kabilang sa mga pinakamatinding naapektuhan ang Barangay Lagao sa General Santos City kung saan mahigit 1,000 pamilya ang nawalan ng bahay.

Sa paunang pagtataya, umabot na sa mahigit P1 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura. Naitala rin ang pagkasira ng 725 imprastraktura at 9,900 kabahayan. Samantala, mahigit 44,100 bahay ang nagtamo ng bahagyang pinsala.

Dahil sa lawak ng pinsala, idineklara na ang State of Calamity sa 13 lungsod at bayan sa mga apektadong lugar.

Samantala, inanunsyo ng Department of Energy (DOE) na naibalik na ang suplay ng kuryente sa mga ospital na naapektuhan ng lindol, isang mahalagang hakbang upang maipagpatuloy ang mga serbisyong medikal sa mga biktima.

Ayon naman sa OCD, umabot na sa P67.6 milyon ang halaga ng ayuda na naipamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad habang nagpapatuloy ang relief at rehabilitation efforts ng pamahalaan at iba’t ibang sektor.