--Ads--

Isang 11-anyos na juggler mula sa Wisconsin ang nagtakda ng bagong Guinness World Record matapos makagawa ng 51 na ikot gamit ang pindaloo sa loob ng 30 segundo.

Si Caleb Hunter ay gumamit ng pindaloo, isang hugis-U na juggling tool kung saan pumapasok ang bola sa isang butas at lumalabas sa kabila, upang basagin ang rekord para sa pinakamaraming ikot ng bola gamit ang pindaloo sa loob ng 30 segundo sa under-16 category.

Ipinaliwanag ni Hunter na ang bola ay lumalabas sa harap, umiikot pabalik patungo sa kanya, at bumabagsak sa hawak niyang bahagi. Kailangan aniyang panatilihin ang momentum, ngunit masaya rin itong laruin at subukan kung gaano kataas o kabilis ito maaaring gawin.

Ayon sa bata, kinailangan ng matinding pagsasanay upang makamit ang rekord. Sa halos bawat ensayo, nahuhulog ang bola bago matapos ang 30 segundo. Noong unang pagkakataon na nagawa niya itong tuluy-tuloy, nahulog ang bola eksaktong matapos ang 30 segundo, dahilan upang maging perpekto ang kanyang pagtatangka.

--Ads--

Ibinahagi rin ni Hunter na ang kanyang ama ang naging inspirasyon niya sa pagsubok sa world record. Ang kanyang ama ay dating Guinness World Record holder matapos magbisikleta sa anim na estado sa loob ng 24 oras. Bagama’t nabasag na ang rekord ng kanyang ama, nananatili itong isang kahanga-hangang tagumpay at nagsilbing motibasyon kay Caleb na magkaroon din ng sariling world record.