Hinimok ni Senator Sherwin Gatchalian ang Social Security System (SSS) na magpatupad ng loan moratorium upang makatulong sa middle class na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng krisis sa Middle East.
Ayon sa senador, maaari itong tularan ang ginawa ng Government Service Insurance System (GSIS), na nagpatupad na ng pansamantalang pagpapaliban sa pagbabayad ng utang.
Binanggit din niya ang hakbang ng Pag-IBIG Fund na nagbigay ng tatlong buwang housing loan moratorium para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na umuwi dahil sa epekto ng digmaan.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Gatchalian na palawakin pa ang nasabing tulong upang masaklaw ang lahat ng miyembro ng Pag-IBIG, hindi lamang ang mga OFW.
Batay sa datos ng Senate Economic Planning Office, umabot sa 4.1% ang inflation noong Marso, na nagdulot ng pagbawas sa kakayahang bumili ng mga sambahayan.
Tinatayang nabawasan ng P1,138 hanggang P2,275 kada buwan ang kita ng humigit-kumulang 9.1 milyong lower middle-income households, habang nasa P2,274 hanggang P3,982 naman ang nabawas sa kita ng nasa 3.4 milyong middle middle-income households.
Binigyang-diin din ng senador ang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), na nagsasabing madaling maapektuhan ang emerging middle class ng mga panandaliang krisis tulad ng pagtaas ng presyo, pagkawala ng trabaho, at mga biglaang gastusing medikal.
Sa huli, iginiit ni Gatchalian ang agarang hakbang upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga Pilipino sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin sa pamumuhay.











