Nagpatupad ng yellow alert ang National Grid Corporation of the Philippines sa Luzon grid nitong Huwebes matapos mag-trip ang ilang planta ng kuryente, ayon sa kanilang advisory.
Ayon sa NGCP, ipinatupad ang alert status mula alas-4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi. Ito ang unang yellow alert sa Luzon grid ngayong 2026, habang naitala naman ang unang insidente ngayong taon sa Visayas noong Enero.
Sa ilalim ng yellow alert, sapat pa rin ang suplay ng kuryente upang tugunan ang demand, ngunit nagsisilbi itong babala na kapag may karagdagang aberya sa mga planta, maaaring humantong ito sa brownout.
Ipinahayag ng NGCP na umabot sa 12,223 megawatts (MW) ang available capacity ng Luzon grid, habang nasa 11,966 MW ang demand.
Ayon pa sa ahensiya, may kabuuang 35 power plants ang kasalukuyang naka-forced outage habang 14 naman ang tumatakbo sa reduced capacity, dahilan upang mahigit 5,000 MW ang hindi maipasok sa transmission network.









