--Ads--

Inilahad ni Senator Raffy Tulfo ang kaso ng isang Person Deprived of Liberty (PDL) na nakalaya mula sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Lapu-Lapu City, Cebu, na umano’y naging milyonaryo dahil sa pagbebenta ng tinatawag na “one-to-sawa” na telephone cards habang nasa kulungan.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kinuwestyon ni Tulfo ang tila pagpapabaya o pagkunsinti sa ganitong iligal na negosyo sa loob ng mga pasilidad ng BJMP.

Ayon sa senador, kung ang PDL ay nahaharap sa kasong may kinalaman sa droga, posibleng nagagamit ang mga tawag sa telepono para ipagpatuloy ang ilegal na transaksyon. Dagdag pa niya, kung yumaman ang PDL, hindi malayong pati ang jail warden ay nakinabang din.

Ipinaliwanag naman ni BJMP Deputy Chief for Administration Jail Supt. Dennis Rocamora na hindi pinapayagan ang mga PDL na magnegosyo, kaya posibleng nagkulang sa pagbabantay ang warden kaya ito nakalusot.

--Ads--

Gayunman, nilinaw na pinapayagan ang maliit na tindahan sa loob ng kulungan basta ito ay pinangangasiwaan ng warden at ang kita ay inilalaan para sa mga livelihood program.