--Ads--

Nakalaya na ang 11 indibidwal na inaresto kaugnay ng isinagawang human barricade sa Kasibu, Nueva Vizcaya noong Agosto 28, kung saan hinarangan ng grupo ang pagpasok ng mga tauhan ng North Luzon Mineral Resources Corporation o NLMRC at mga dala nitong krudo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Florentino Daynos, Lider ng Anti-Mining Group sa Kasibu, Nueva Vizcaya, sinabi nitong nakalaya ang tinaguriang “Kasibu 11” matapos makalikom ng humigit-kumulang P300,000 ang grupo para sa kanilang piyansa, habang ang mahigit P100,000 ay pansamantalang hiniram.

Aniya, nasa P462,000 sana ang orihinal na halaga ng piyansa ngunit bumaba ito sa P402,000, dahilan upang magpasalamat ang grupo sa lahat ng nag-ambag at tumulong para sa kanilang paglaya.

Inaasahan naman ni Daynos ang pag-uusap sa pagitan ng NLMRC at ng kanilang grupo upang talakayin ang posibleng kasunduan ng dalawang panig.

--Ads--

Kinumpirma rin niyang kabilang sa mga inaresto ang isang indibidwal na nakitang nawalan ng malay sa mga video na kumalat sa social media. Matapos itong ma-discharge sa ospital, dinala umano ito sa himpilan ng pulisya at isinailalim sa kaso.

Samantala, sinabi ni Daynos na may kanya-kanyang salaysay ang 11 na inaresto at ilan umano sa kanila ang nagtamo ng mga pasa at marka sa katawan na sinasabi nilang nagmula sa puwersahang paghila, pagposas at pananakit sa kanilang pag-aresto.

May ilan din umanong nagkaroon ng pamamaga o namuong dugo sa tenga matapos umanong madaganan habang pinosasan at suntukin, bagay na nais nilang maimbestigahan.

Dismayado naman ang anti-mining group sa pahayag ng PNP na rumesponde lamang ang mga pulis matapos makatanggap ng 911 call na patuloy pa nilang bineberipika.

Iginiit ni Daynos na wala umanong kaguluhan sa pagitan ng mga nagbarikada at mga tauhan ng NLMRC bago dumating ang mga pulis, at kinuwestiyon kung sino ang unang gumamit ng coercion sa insidente.

Ayon sa kanya, nakatayo lamang umano ang mga residente sa kanilang barricade at walang umiiral na court order o injunction na nag-uutos sa kanilang pagpapaalis.

Samantala, patuloy na hinihintay ang paglilinaw ng PNP sa mga alegasyon ng grupo hinggil sa naging operasyon at pag-aresto sa 11 indibidwal.