Arestado ang 13 indibidwal ng Philippine National Police (PNP) sa isinagawang operasyon laban sa isang POGO-related establishment sa Iligan City.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng Warrant to Search, Seize, and Examine Computer Data na inilabas ng korte sa nasabing lungsod.
Kabilang sa mga naaresto ang dalawang studio managers at 11 babaeng nagsisilbing online demonstration dealers sa naturang POGO hub.
Narekober ng mga operatiba mula sa apat na silid ng establisyamento ang iba’t ibang kagamitan, kabilang ang computer processing units, monitors, cameras, recording devices, tablets, card scanners, gaming tables, card decks at lighting equipment.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng pulisya ang mga naaresto at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 12312 o Anti-POGO Act of 2025.
Samantala, pinaghahanap na ng mga awtoridad ang may-ari ng establisyamento na nananatiling at-large.











