Labing-apat ang nasawi at 20 ang sugatan matapos bombahin umano ng isang fighter jet ng militar ang isang Buddhist monastery sa Swel Le Oh village, Myaung township sa central Myanmar.
Ayon sa opposition group na Civil Defense and Security Organization of Myaung Township, kabilang sa mga nasawi ang tatlong babae. Mahigit 100 katao naman ang nasa paligid ng monasteryo para sa isang linggong retreat bilang bahagi ng Buddhist Lent.
Ayon sa isang residente, dalawang bomba ang ibinagsak sa lugar na may pagitan na 15 minuto. Hindi pa agad nagbigay ng pahayag ang militar hinggil sa insidente.
Patuloy ang kaguluhan sa Myanmar mula nang agawin ng militar ang kapangyarihan noong 2021, na nagresulta sa malawakang labanan at paglikas ng milyun-milyong residente.











