Hindi bababa sa 33 katao ang nasawi at 36 ang nasugatan matapos magsagawa ng airstrike ang militar ng Myanmar malapit sa isang palengke sa Kyauktaw, Rakhine State nitong Lunes.
Ayon sa Arakan Army at isang rescue official, dalawang bomba ang ibinagsak ng isang fighter jet malapit sa palengke na dinarayo ng mga mamimili at negosyante.
Kabilang sa mga nasawi ang mga tindero, mamimili at mga naglalakad. Nagbabala rin ang Arakan Army na maaari pang madagdagan ang bilang ng mga nasawi.
Samantala, hindi pa naglalabas ng pahayag ang militar ng Myanmar tungkol sa insidente. Sinabi nito sa mga naunang operasyon na lehitimong target lamang ng kanilang airstrikes ang mga armadong grupo.
Nasa gitna ang Myanmar ng patuloy na labanan mula nang agawin ng militar ang kapangyarihan noong 2021, na nagbunsod ng armadong paglaban ng mga grupong pro-demokrasya at ethnic armed groups.











