
CAUAYAN CITY – Umabot na sa 16 na barangay mula sa 65 na barangay sa Lunsod ng Cauayan ang nakapagtala ng kaso ng Coronavirus (COVID-19).
Sa naging public address ni Mayor Bernard Dy, sinabi niya na dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 ay minabuti ng pamahalaang Lunsod na magpatupad ng mga bagong guidelines upang makontrol ang pagkalat ng virus sa bawat barangay.
Ayon kay Mayor Dy, aasahan ang pagdedeklara ng pitong araw na calibrated lockdown sa purok ng isang barangay na makakapagtala ng dalawa o higit pa na kaso ng COVID-19 upang mas mapabilis ang pagsasagawa ng contact tracing.
Hindi dapat na ikabahala aniya ng mga residente ang pagsasailalim sa calibrated lockdown sa isang purok dahil isa ito sa pinaka mabisang paraan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga barangay na wala pang kaso ng nasabing sakit.
Dagdag pa ni Mayor Dy na kailangan nang tanggapin na bahagi na ng kasalukuyang buhay ng mga residente sa Lunsod ng Cauayan ang epekto ng COVID-19 pandemic hanggat wala pang nalilikhang bakuna laban sa salot na virus.
Samantala, magpapatupad ng bagong panuntunan ang pamahalaang lunsod may kaunayan sa paggamit ng Quick Response o QR code.
Inihayag ni Mayor Bernard Dy na hindi na ipatutupad ang QR code scanning sa mga checkpoint kundi kailangan na lamang iprisinta ng mga motoristang papasok sa Lunsod ng Cauayan mula sa ibang lugar sa region 2 ang kanilang travel pass at medical certificate.
Kailangang magpakita naman ng travel authority mula sa Philippine National Police (PNP) at medical certificate ang mga galing sa labas ng region 2.
Ayon kay Mayor Dy, ang mga establisiyimento at mga bangko sa Lunsod ng Cauayan ang magpapatupad ng No QR Code No Entry Policy na magsisimula ngayong linggo,
Gayunman, mananatili ang QR scanning sa Cauayan City Airport at SM City terminal.
Ang mga taga-Lunsod ng Cauayan ay kailangang magpakita ng valid ID na magpapatunay na sila ay residente ng lunsod at QR code habang ang mga residente ng ibang lugar ay magpapakita ng valid ID, medical certificate at QR code.
Ayon kay Mayor Dy, layunin nitong maiwasan ang manual log book system sa mga establisiyimento at sa mga bangko.
Aabisuhan ang mga may-ari at nangangasiwa sa mga bahay kalakal at bangko para sa mahipit na pagpapatupad ng mga bagong panuntunan.
Maliban sa bagong guidelines ay muling pinaalalahanan ni Mayor Dy ang publiko na palaging magsuot ng face mask at face shield kapag nagtungo sa pampublikong lugar.










