Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga insidente ng grassfire sa Lungsod ng Cauayan ngayong buwan ng Abril, kung saan nasa labing anim na ang naitala ng Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Senior Fire Officer 4 Reagan Bernardo, Chief ng Operations Section ng BFP Cauayan, sinabi niya na umabot na sa labing-anim ang kabuuang bilang ng mga naitalang grassfire sa lungsod ngayong buwan pa lamang.
Aniya, karamihan sa mga insidente ay nagaganap sa mga lugar na may tuyong damo, bakanteng lote, at malalawak na open field na madaling kapitan ng apoy lalo na sa kasalukuyang mainit at tuyong panahon.
Ipinaliwanag ni Bernardo na ang matinding init at kakulangan ng ulan ay nagiging dahilan upang mas mabilis kumalat ang apoy kahit sa maliit na pinagmulan lamang.
Dagdag pa rito, karaniwang sanhi ng mga nasabing sunog ang pagsusunog ng basura sa mga bakuran, kaingin, at ang iresponsableng pagtatapon ng upos ng sigarilyo sa mga damuhan.
Dahil dito, muling nanawagan ang BFP sa publiko na iwasan ang anumang gawain na maaaring magdulot ng sunog, lalo na sa mga oras ng matinding init sa tanghali hanggang hapon.
Pinapayuhan din ang mga residente na agad na i-report sa pinakamalapit na fire station ang anumang nakikitang usok o apoy upang maagapan ito bago pa lumala.
Binigyang-diin pa ng opisyal na ang grassfire ay hindi lamang sumisira sa kalikasan, kundi nagdudulot din ng panganib sa kalusugan dahil sa usok, at maaaring umabot sa mga kabahayan kung hindi agad makokontrol.
Samantala, patuloy ang pagpapatrolya at monitoring ng BFP sa mga high-risk areas sa lungsod, kasabay ng pagsasagawa ng information drive upang paalalahanan ang publiko hinggil sa fire safety at responsableng pangangalaga sa kapaligiran.











