Inatasan ng Liga ng Barangay President ang bawat barangay sa lungsod na magtalaga ng hindi bababa sa isang karagdagang kuwalipikadong kawani bilang Violence Against Women and Their Children (VAWC) Desk Officer o Gender and Development (GAD) Focal Person upang higit na mapalakas ang pagtugon sa mga kaso ng pang-aabuso sa kababaihan at kanilang mga anak.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Liga ng Barangay President Victor Dy Jr., tinalakay ang mga alituntunin sa pagtatalaga ng karagdagang kawani sa bawat barangay, kabilang ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad, kinakailangang pagsasanay at sertipikasyon, gayundin ang pagbibigay ng honorarium mula sa aprubadong Barangay GAD Fund.
Ayon sa mga itinakdang patakaran, ang halaga ng honorarium ay pagpapasiyahan ng kinauukulang barangay alinsunod sa mga umiiral na regulasyon.
Kabilang sa mga pangunahing tungkulin ng mga itatalagang kawani ang pagtanggap at pag-asikaso sa mga reklamo ng karahasan, pagpapanatili ng pagiging kumpidensiyal ng impormasyon ng mga biktima, at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya upang matiyak ang agarang pagbibigay ng kinakailangang tulong at proteksiyon.
Layunin ng hakbang na palakasin ang kakayahan ng mga barangay na tumugon sa mga kaso ng karahasan laban sa kababaihan at kanilang mga anak, gayundin ang matiyak ang maayos na paghahatid ng mga serbisyong kailangan ng mga biktima.











