--Ads--

Sugatan ang isang 17-anyos na estudyante matapos masangkot sa isang vehicular accident sa National Highway sa Barangay Nungnungan II,Cauayan City, Isabela kahapon, Hunyo 1.

Sa nakuhang impormasyon ng Cauayan City Police Station, naganap ang aksidente sa harap ng isang food hub bandang alas-dos ng tanghali.

Ang rider ng motorsiklo ay isang 17-anyos, Grade 11 student at residente ng Barangay Minante II, Cauayan City. Minamaneho nito ang isang pulang motorsiklo na walang nakakabit na plaka.

Ang isa pang sangkot na sasakan ay isang dilaw na dump truck na minamaneho ng alyas na JB, 23-anyos, truck driver at residente ng Nagtipunan, Quirino.

--Ads--

Sa imbestigasyon, kapwa bumibiyahe patungong Alicia, Isabela ang dalawang sasakyan. Nasa unahan ang dump truck nang tangkain umanong mag-overtake ng motorsiklo.

 Subalit sa pagbabalik nito sa lane, hindi umano napansin ng rider ang pagliko ng dump truck dahilan upang magkabanggaan ang dalawang sasakyan.

Dahil dito, nagtamo ng malubhang pinsala ang menor de edad na rider at agad itong isinugod sa ospital ng mga rumespondeng rescue personnel.

Nagtamo rin ng pinsala ang dalawang sasakyan habang patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang iba pang detalye ng insidente.