Arestado ang dalawang construction worker matapos umanong magbenta ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Villa Hermosa Norte, Maddela, Quirino.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na Ruru, 23-anyos, at Riley, 29-anyos, kapwa binata, construction worker at residente ng Barangay Manglad, Maddela, Quirino.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Maddela Police Station, katuwang ang Provincial Drug Enforcement Unit o PDEU at Provincial Intelligence Unit o PIU, sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 2 (PDEA RO2).
Ayon sa ulat, naaresto ang dalawang suspek matapos umanong makumpiskahan ng hinihinalang shabu na isinailalim sa marking, inventory at documentation bilang bahagi ng ebidensya. Isinagawa rin ang pagkuha ng larawan sa mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng kinatawan ng DOJ-National Prosecution Service at barangay official.
Ipinaalam naman sa mga suspek ang kanilang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine bago dinala sa kustodiya ng Maddela Police Station. Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











