--Ads--

Pinuna ni Senador Imee Marcos si Energy Secretary Sharon Garin kaugnay ng ipinatupad na patakaran na dalawang araw lamang ang pisikal na pagpasok sa opisina, kung saan 50% lang ng mga opisyal at empleyado ang required na pumasok sa ahensya.

Ayon kay Marcos, ang hakbang na ito ay nakasaad sa department order na inaprubahan ng kalihim, na aniya’y salungat sa memorandum circular mula sa Malacañang na nagtatakda ng apat na araw na onsite work arrangement para sa mga kawani ng gobyerno.

Tinawag ng senador na “kabaliwan” ang naturang polisiya ng Department of Energy (DOE), at iginiit na tila kulang sa agarang aksyon ang pamunuan sa gitna ng krisis na kinakaharap ng bansa.

Sa panig naman ni Garin, ipinagtanggol niya ang kanilang setup, sinasabing tuloy-tuloy ang kanilang trabaho araw-araw, kabilang ang weekends, sa pamamagitan ng mga pulong at masusing pagmomonitor ng supply at presyo ng langis, kahit may work-from-home arrangement ang ilan.

--Ads--

Dagdag pa niya, ang dalawang araw na onsite work ay ipinatupad upang makatipid sa kuryente, at iginiit niyang mas naging episyente pa ang kanilang operasyon sa ganitong sistema.