Sinibak ni Public Works Secretary Vince Dizon ang dalawang district engineers sa Pampanga dahil sa kabiguan umano nilang ipatupad ang kinakailangang road safety measures sa isang highway sa Angeles City, na nauwi sa pagkamatay ng isang lalaki matapos mahulog sa isang open manhole.
Batay sa memorandum ng DPWH, nabigo umano sina Pampanga 3rd District OIC District Engineer Aser S. Mallari at OIC Assistant District Engineer Augustin R. Dagsaan Jr. na ipatupad ang mga kinakailangang safety measures sa Fil-Am Friendship Highway sa Angeles City, Pampanga.
Naganap ang insidente nang mahulog ang lalaki sa isang open drainage canal na natabunan ng baha kasabay ng malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat.
Dahil dito, agad na inalis sa kanilang mga posisyon sina Mallari at Dagsaan, Jr., matapos mabigong matugunan ang itinakdang safety standards at iba pang kinakailangang hakbang para sa kaligtasan ng publiko.
Samantala, iginiit ng DPWH na pananagutin ang mga opisyal na mapatutunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang safety at quality standards sa lahat ng proyekto ng kagawaran.











