CAUAYAN CITY – Naaresto ang dalawang drug personality sa drug-buy-bust operation na isinagawa ng mga pulis sa Batal, Santiago City.
Ang mga nadakip ay sina Christian Magat, 31 anyos, pintor at Roland Cuarteron, kapwa residente ng Barangay Rosario,Santiago City.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Presinto Uno, isinagawa ang operasyon sa pangunguna ng City Drug Enforcement Unit, Station Drug Enforcement Unit, Regional Drug Enforcement Unit, City Intelligence Drug Unit at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) region 2.
Nakipagtransaksyon ang mga suspek sa isang pulis na nagpanggap na poseur/buyer bitbit ang isang sachet ng hinihinalang shabu katumbas ng Php 5,000.
Nang kapkapan ang dalawa ay nakuha ang perang ginamit sa transaksyon at ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu sa pag-iingat ni Magat.
Mariin namang itinanggi ng mga suspek ang pagkakasangkot sa pagbebenta ng iligal na droga.
Ayon sa mga otoridad, kabilang sa Street Level Individual (SLI) Cuarteron at Magat na unang naugnay sa iligal na droga noong 2015.
Ang dalawa ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.












