--Ads--

Arestado ang dalawang Street-Level Individuals (SLI) sa isang buy-bust operation sa Purok 5, Brgy. Alibagu, City of Ilagan, Isabela, nitong Oktubre 3, 2026.

Kinilala ang mga naarestong indibidwal na si alyas Ben, 28 taong gulang, single at walang trabaho at alyas Rico, 57 taong gulang, magsasaka parehong mga residente ng bayan ng Gamu, Isabela. Kapwa sila inaresto dahil sa umano’y paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Dakong 4:38 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng Ilagan Component City Police Station sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 2. Isinagawa ang operasyon batay sa nakalap na impormasyon hinggil sa umano’y ilegal na aktibidad ng mga suspek.

Sa isinagawang transaksyon, isang poseur buyer ang umano’y nakabili ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na pinaniniwalaang shabu, kapalit ng buy-bust money na ₱2,500.00. Matapos ang matagumpay na transaksyon, agad na umaksyon ang mga operatiba upang isagawa ang pag-aresto sa mga suspek.

--Ads--

Gayunman, hindi umano agad sumuko si alyas Rico at nagtangkang tumakas sakay ng isang Hyundai Starex patungo sa direksyon ng Gamu, Isabela. Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba, katuwang ang mga police personnel na nakatalaga sa boundary checkpoint na kalaunay nahuli din ito.

Bukod sa hinihinalang ilegal na droga, nakumpiska rin ang buy-bust money na ginamit sa operasyon at isang Hyundai Starex Gold VGT na kulay light blue at gold, kasama ang ignition key. Ang mga nakumpiskang ebidensya ay isinailalim sa kaukulang marking, photography, at inventory alinsunod sa umiiral na mga alituntunin.

Matapos ang dokumentasyon, dinala ang mga naarestong indibidwal at ang mga nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang proseso at paghahanda ng kasong isasampa sa piskalya.