--Ads--

Dalawang katao ang nasawi matapos ang matinding flash flood sa Grand Canyon National Park sa Arizona, United States nitong weekend.

Ayon sa National Park Service o NPS, isang bangkay ang unang narekober at isinagawa naman nitong Lunes ang operasyon para makuha ang ikalawang katawan.

Dulot ng malakas na pag-ulan noong Sabado, rumagasa ang tubig sa canyon na sumira sa mga hiking trail at footbridge, gayundin sa ilang imprastraktura na nagsusuplay ng tubig sa parke.

Aabot sa 62 hikers ang kinailangang ilikas sakay ng helicopter pagsapit ng Linggo ng umaga.

--Ads--

Noong Linggo, iniulat ng park officials na natagpuan ang bangkay ng isang 46-anyos na lalaki. Nauna ring sinabi ng NPS na mahigit 20 indibidwal ang posibleng nawawala o hindi pa nakokontak.

Samantala, nananatiling sarado ang ilang hiking at lodging areas na naapektuhan ng baha habang nagpapatuloy ang search and recovery operations.

Pinayuhan naman ng NPS ang mga bisita na iwasan ang mga saradong lugar dahil inaasahan pa ang karagdagang thunderstorms sa mga susunod na araw.

Source: Reuters