
CAUAYAN CITY – Nagpositibo ang isang kawani ng Isabela Provincial Health Office (IPHO) at isang empleyado ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa Coronavirus Disease (COVID-19).
Lumabas ang resulta ng ginawang pagsusuri sa dalawang empleyado at kumpirmadong sila ay positibo sa virus.
Ayon kay Atty. Elizabeth Binag, Provincial Information Officer ng Isabela, natukoy na ang ilang nakasalamuha ng nagpositibong administrative staff ng IPHO at nasa 14 na tao ang kanyang nakasalamuha.
Nadala na ang lahat ng mga nakasalamuha ng pasyente sa Punta Amelita sa Cordon, Isabela upang doon sumailalim sa quarantine habang dinala ang COVID-19 positive sa quarantine facility ng Lunsod ng Ilagan.
Ayon pa kay Atty. Binag, hinihintay na lamang ang mga testing kits para sa pagsasailalim sa swab test ng mga natukoy na nakasalamuha ng driver ng PSWDO.
Hindi pa malinaw kung paano nahawa o nakuha ng dalawang pasyente ang virus.










