
CAUAYAN CITY – Naaresto ang dalawang lalaki sa magkahiwalay na drug buy-bust operation ng Station 2 ng Santiago City Police Office (SCPO).
Ang mga nadakip ay sina Robert Apostol, 36 anyos at residente ng Dubinan West, Santiago City at si Paul Benedict Lim, 43 anyos, tsuper at residente ng Plaridel, Santiago City.
Ang drug operation ay isinagawa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) at Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ni PMaj Roderick Guiyab, hepe ng Station 2.
Nakipag-transaksiyon si Apostol sa isang pulis na nagpanggap na poseur/buyer kapalit ng Php500 at nasamsam sa kanya ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nabatid na unang kinasuhan si Apostol at nakalaya noong nakaraang taon dahil sa katulad na kaso.
Inamin ng suspek ang pagbebenta at itinuro ang nagsisilbing supplier nito.
Samantala, Php3,000 ang nakuha kay Lim matapos na makipag-transaksiyon sa isang pulis na nagpanggap na poseur/buyer at nasamsaman ng isang sachet ng hinihinalang illegal na droga.
Kabilang umano sa Street Level Individual (SLI) list ang pinaghihinalaan.
Emosyonal si Lim at nanindigan na set-up ang nangyaring pagdakip sa kanya at iginiit na wala siyang alam sa paratang ng pagbebenta ng illegal na droga.
Sasampahan ang dalawa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










