CAUAYAN CITY- Dalawa patay , tatlo sugatan sa naganap na stabbing incident sa Brgy. Baligatan, City of Ilagan, Isabela.
Ang mga nasawi ay sina Mokren Ismael, 24-anyos at Johaiver Abaga , 29-anyos na kapwa residente ng Barangay Baligatan habang nasugatan naman sina Hamsa Ismael, 19 years old, estudyante ay Jaber Ismael,27 years old na kapwa residente naman ng Centro Poblacion.
Kinilala naman ang mga suspect na sina Rodrigo Apaga, 31 y/o,at Jerry Cawaling, 24 y/o, na kapwa residente ng Brgy. Del Pilar, San Mariano, Isabela
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Noralyn Andal ang tagapagsalita ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na batay sa kanilang paunang imbestigasyon palabas umano sa inuupahang bahay ang dalawang suspect nang harangin umano sila ng dalawa sa mga biktima.
Nagkaroon ng komprontasyon na nauwi sa pananaksak kina Mokren at Johavier sa kanilang dibdib.
Sinubukan na sumuklolo ni Jaber subalit maging siya ay sinaksak din sa dibdib habang nasaksak naman sa likod si Hamsa, matapos ang pananaksak ay agad na tumakas si Rodrigo Apaga.
Dinala sa pagamutan ang apat na biktima kung saan sinubukang isalba pa sina Mokren at Johavier subalit binawian din ng buhay, habang ang mga kasama nilang sina Hamsa at Jaber ay patuloy na nagpapagaling.
Dinala rin sa hiwalay na pagamutan ang isa sa mga suspek .
Sa ngayon ay nagsasagawa na sila ng imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa pananaksak sa mga biktima.