CAUAYAN CITY – Umaabot sa 20 na rice mill sa Isabela ang posibleng ipasara ng mga bangko sa 2022 dahil hindi na nakakabayad ng interes ng utang bunsod ng matinding epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ernesto Subia, presidente ng Rice Millers Association sa region 2, sinabi niya na 10 sa 20 na rice mill ang nakatanggap na ng notice for closure.
Hinggil sa balak ng Department of Agriculture(DA) na ibaba ang taripa sa pag-angkat ng bigas, sinabi ni Ginoong Subia na wala silang magagawa dahil hindi naman sila pinakikinggan ng pamahalaan.
Kung ibababa aniya ang taripa ay mas magmumura ang imported rice kaya mas malulugi ang mga magsasaka at rice millers sa bansa.
Problema na naman ito ng mga magsasaka lalo pa’t malaki ang epekto ng COVID-19 pandemic.
Iginiit ni Ginoong Subia na dapat limitahan ng pamahaalaan ang importasyon ng bigas para hindi maaapektuhan ang mga magsasaka at rice millers.
Hindi aniya nagkukulang ang suplay ng bigas sa bansa dahil kaunti lang ang napinsala ng kalamidad sa nagdaang cropping season.
Ayon kay Ginoong Subia, mula nang luwagan ang importasyon ng bigas sa bansa ay labis na naapektuhan ang rice industry dahil sa pagkalugi ng mga magsasaka at rice millers.
Bukod sa rice smuggling ay hindi nagdedeklara ng tamang biniling bigas ang ibang importer para makalusot sa pagbabayad ng mas malaking halaga ng taripa.
Iniiwasan na aniya ng ilang traders ang mamuhunan sa pagbili ng aning palay ng mga magsasaka dahil sa maluwag na pag-angkat ng imported rice.











