Tinatayang 20 tauhan mula sa Inter-Agency Task Force (IACTF) ang ide-deploy sa mga sementeryo sa Cauayan City, Isabela, ngayong Undas 2026 upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa inaasahang pagdagsa ng mga dadalaw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay IACTF Chairman Ysmael Atienza, sinabi nitong isang araw bago ang Undas ay itatalaga na ang kanilang mga tauhan at itatayo ang mga kampo sa mga nakatalagang lugar.
Makikipagtulungan din ang IACTF sa Philippine National Police (PNP) at Public Order and Safety Division (POSD) upang matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at maiwasan ang mga krimen.
Kabilang sa kanilang tututukan ang mga sementeryong malapit sa mga pangunahing lansangan, kung saan nagiging problema ang pagsisikip ng trapiko dahil sa mga sasakyang nakaparada sa gilid ng kalsada bunsod ng kakulangan ng parking space.
Mahigpit ding ipatutupad ang pagbabawal sa pagdadala ng mga mapanganib na bagay, pag-inom ng alak at paggamit ng malalakas na sound system sa loob ng mga sementeryo.
Ayon kay Atienza, wala silang naitalang insidente ng krimen noong nakaraang Undas, kaya umaasa siyang magiging mapayapa rin ang paggunita ngayong taon.
Hinikayat naman niya ang publiko na sumunod sa mga umiiral na alituntunin, panatilihin ang katahimikan at tiyaking maayos ang pagpaparada ng mga sasakyan upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko at mapanatili ang kaligtasan ng lahat.











