--Ads--

Inaasahang dadalo ngayong araw si Ateneo Men’s Basketball head coach Tab Baldwin sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng pagkamatay ng dalawang student-athlete ng Ateneo de Manila University (ADMU).

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, bukod sa coach ng Blue Eagles, may 20 pang indibidwal ang kanilang ipinatawag upang humarap sa imbestigasyon kaugnay ng pagkalunod ng rookie player na si Rene Clert Baterbonia at Divine Adili noong Hunyo 8 sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora. Kabilang sa mga ito ang ilang basketball players at mga opisyal ng Ateneo.

Nakatakdang magsimula ang pagdinig bandang alas-10:00 ng umaga sa opisina ng NBI sa Pasay City.

Samantala, iniimbestigahan din ng NBI ang pagkakakilanlan ng isang babae na nagpakilalang asawa ni Baldwin, matapos itong mag-post sa social media ng alegasyon na hindi ligtas para sa mga menor de edad ang makasama ang coach.

--Ads--