Natapos na ang inquest proceedings ng 213 indibidwal na inaresto sa kilos-protesta sa Sucat, Muntinlupa City noong Nobyembre 15, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sa pahayag ng NCRPO, isasailalim na sa pagsusuri ng mga tagausig ang mga reklamong may kaugnayan sa pag-aresto.
Iginiit ng pulisya na sinunod nila ang mga legal na proseso at karapatan ng mga inaresto, kabilang ang due process at presumption of innocence.
Kabilang sa mga naaresto ang mga miyembro ng Lakbayan ng Timog Katagalugan, mga estudyante at student journalist na nakilahok sa protesta laban sa Pax Silica initiative at pagbisita ni US President Donald Trump para sa 49th ASEAN Summit.
Nauna nang kinuwestiyon ng ilang grupo at mambabatas ang pag-aresto at pagdetine sa mga raliyista, habang nanindigan naman ang pulisya na naaayon sa batas ang kanilang operasyon.
Hindi pa batid kung ilan sa 213 ang pinalaya o nananatiling nakakulong.











